Apple of my Eyes
Thursday, May 11, 2006
Mommy...Nanay....Mama.....
Masarap kayang maging nanay? For five long years ay naging tanong ko yan sa sarili ko. Ang sarap sigurong tawaging mama, mommy, nanay o kung ano pang ibang tawag sa isang ina. Limang taon na puno ng tanong, hinanakit,inggit, kawalan ng pag-asa at kung anu-ano pa.
Ilang doctor nga ba napuntahan namin sa kagustuhang mag-kaanak, di mabilang na gamot at vitamins ang nainom. Pati hilot ay pinatulan ko. Syempre may kasabay na dasal yung mga paghingi namin sa Kanya. Yung huling OB Gyne na tumingin sa akin eh sa awa yata di na kami sinisingil ng consultation fee. Pag daw napabuntis na nya ako dun na lang ako magbayad.
Ayoko na nga mag-aatend noon ng mga party at reunion kasi naman alam naman nila na wala pa kaming anak eh yun pa ang itatanong. Parang nananadya yata. Naging mainisin at sensitive ako nung mga time na yun. Mabuti na lang at may asawa ako na nung magsabog yata ng kabaitan at kahabaan ng pasensya eh gising sya. Sya yung naging sandalan at pag-asa ko na magkakaroon din kami balang-araw.
Tinawagan nga ako ng kaibigan ko na nurse noon sa hospital sa bayan namin. Meron daw baby na 3 days pa lang pinapanganak at tinakasan ng nanay sa hospital. Bayaran lang daw yung P8,000 na gastos eh pwede na makuha yung baby at sa akin ipapangalan. Naging interesado ako at sinabi ko kay KD. Sabi nya “
ang mahal naman, tawaran mo ng P1,000 at kukuha tayo ng dalawa.” Hehehe..sa madaling salita di natuloy yung pag-aampon namin.
Meron ding isang buntis na araw-araw akong pinupuntahan sa opis dahil inaalok sa akin yung magiging anak nya. Nagtitinda sya ng kakanin. Pang walo na raw kasi yon at lasenggo at walang trabaho yung asawa nya. Sa pitong anak nya ay apat lang ang nasa kanya, pinamigay din nya yung tatlo.Mahabang kwento yon. Naging interesado rin ako kaya lapit na naman ako kay KD. Sabi na naman nya “
alam mo , ikaw na rin nagsabi na puro hirap at sama ng loob ang dinaranas nung babae sa asawa, hindi nakakainom ng vitamins at nakakakain ng masustansyang pagkain sa panahon ng pagbubuntis, baka maging problema pa sa atin lalo na syo pag yung bata eh may diprensya.” Hhhmmm..may punto na naman.
Noong mag desisyon si KD na mag abroad, patay! Lalong lumabo ang pag-asa na magka-anak pa kami. After a year ay sinundo na nya ako para nga sumama na rito. Pagdating dito ay doctor rin agad ang pinuntahan namin. Balik ulit sa umpisa, napakadaming test, gamot, vitamins, fertility pills..etc. After 3 months …positive! Isang malaking milagro para sa amin yon. Tawag agad sa pinas, lahat ng kaibigan masaya para sa amin, dami kasing naghihintay sa pagdating ng baby. Ako pa lang kasi ang married sa family noon.
Tandaan ko pa 3 days bago ako manganak sabi ni KD , "
halika punta tayo sa hospital", aano kako tayo dun, practice daw para pag manganganak na ako eh di sya mataranta..hehehe.. ayoko sana kasi bakit naman may practice pa pero mapilit eh di sumama na rin ako. Dun pa kami dumaan sa elevator na pang emergency para raw realistic, then tanong sya kay kabayan na nurse, “
miss , san ba dito ang delivery room?” takbo naman agad si kabayan at assists nya kami. “
hindi pa sya manganganak practice lang” sabi ni KD. Di ako kumikibo kasi nahihiya ako sa pinaggagagawa ng asawa ko. Tawanan nga mga nurses na pinay sa hospital.
Sa madaling salita ay naging nanay din po ako at binigyan kami ng 3 malulusog at mababait na mga anak. Lahat ng hirap at sakit ay parang wala lang sa sandaling makita mo na ang batang dinala ng siyam na buwan sa sinapupunan.
Mahaba pa sana yan kaya lang baka di na basahin ni
Nang Ethel , hehehe. Ayaw nun ng mahabang post eh. Pero alam ko tatapusin nya to basahin, di ba nang ethel?
December 21, 1994
12:40am
Almana Hospital, Al-Khobar
KSA
I would like to thank ma'am teks for this one.
HAPPY MOTHER’S DAY! Most especially to my mom and to all the mothers in the world.
Posted by Ann ::
7:32 AM ::
58 Comments:
Post / Read Comments
---------------oOo---------------