Apple of my Eyes

Wednesday, September 06, 2006

Small World

Pinakamahabang post ko yata ito so far, sabi nga ni TK ay magkukot ka muna ng butong pakwan.
 
Noong nasa Pilipinas pa ako, tinawagan ako isang araw ng asawa ng isang malapit na kaibigan. Kausapin ko raw yung misis nya dahil maghapon nang nakakulong sa kwarto, ayaw kumain, ayaw makipag-usap kahit kanino. At ang kinatatakutan ng lalaki ay nasa kanya yung kanyang baril. Sinubukan kong katukin, pinag buksan naman ako at nag-usap kami. Hindi naman mukhang gutom dahil nakalimutan yata ng lalaki na may ref sa loob ng kwarto at puno ng pagkain.
 
May problema pala silang mag-asawa. Two months ago raw ay nagpaalam yung lalaki na pupunta ng Palawan at 2 days sila roon para sa isang conference, kasama ang mga kaibigan sa Lion’s Club. Pinayagan naman nya dahil kilala naman nya ang mga makakasama sa  pupuntahan. Pagbalik ng lalaki syempre ang daming pasalubong, nabigyan pa nga ako.
 
After two weeks, nag attend sila sa isang party ng kaibigan, sabi raw ng isang kumare nya. “ Yang mga asawa natin eh nagliwaliw sa Palawan, ang ganda raw doon. Ang sarap daw magmasahe nung mga babae sa sauna bath na pinuntahan nila.” Para raw syang nabingi sa narinig nya. Hindi yata nasabi ng asawa sa kanya yung tungkol sa sauna bath. Hindi na tinapos yung party at nag-aya na syang umuwi. Ang nasa isip kasi nya ay kasunod ng masahe ay yung paglalabas ng babae na hindi imposible dahil nasa isang lugar sila na malaya at walang bantay.
 
Naayos din ang problema nila pero syempre nagkaroon na nang lamat, hindi na 100% ang tiwala na kaya nyang ibigay sa asawa after nung mga pagsisinungaling sa kanya. Matagal-tagal din bago naging normal ulit ang buhay nilang mag-asawa. Ganun daw pala yun sa bawa’t gawin at lakad ng asawa di nya maiwasan na mag-isip na baka maulit ang isang bagay na ginawa na.
 
 
Ngayong nasa Saudi na ako, may kaibigan ako na isang nurse na napasyal dito sa bahay. Nagkataon naman na nag doorbell ang isang kapitbahay na lalaki at may kailangan kay KD. Pagkapasok sa bahay ay nagulat yung friend ko na nurse dahil magkakilala pala sila. Medyo napahiya lang sya dahil parang hindi sya masyadong matandaan nung lalaki. Napilitan syang magpakilala. "Ako yung kasama sa bahay ni Bess, di ba madalas ka dati sa apartment namin?“ Medyo nataranta yung lalaki at nagpaalam agad.
 
Pag-alis ng kapitbahay namin ay nagkwento yung nurse dahil na rin sa inis sa pag deny sa kanya na magkakilala sila. Dati pala nyang girlfriend yung roommate na Bess ang pangalan. And that was 2 years ago pa nangyari. Sabi ko naman talagang matataranta sya dahil andyan yung kanyang asawa ngayon, nag family status sya last year lang at 5 years na silang married at may 2 anak.
 
Kinabukasan, pinuntahan ako nung lalaki at kung amo man daw ang sinabi sa kin nung kaibigan ko eh sana wag nang makakarating sa asawa nya . Inasahan na nya na nagkwento si nurse. Sabi ko walang problema, hindi makakarating. Pag kausap ko yung babae sa phone, puro papuri sa lalaki ang maririnig mo, napakabait na asawa, responsible, mabait na tatay at higit sa lahat straight daw at mahal na mahal sya. Sabi ko na lang swerte sya bihira sa lalaki ang ganyan.
 
After a month, nagpapaalam na yung babae, lilipat daw sila ng bahay. May nakita raw yung asawa nya na mas maganda at mas malaki. Well, sabi ko goodluck sa bago nilang apartment. Sa tingin kaya ng lalaki ay maitatago nya sa habang panahon ang ginawa nyang kalokohan, sabi nga ay napakaliit ng mundo. Na lalo pang pinaliit ng mundo ng internet. Nasaan na ang konsensya nya na habang kasama at katabi ang asawa na sinasabihan ng  i love you ay minsan na palang niloko.
 
 
Kung ikaw ang babae, sa paanong paraan mo gustong malaman ang isang pagkakamali ng asawa o boyfriend mo? Sa kanyang bibig mismo o sa ibang tao? Mas mabuti bang lihim na lang sa habang panahon para hindi na makasakit?
 
Kung lalaki ka naman, gaano ka kaya katapang para aminin ang isang pagkakamali? Pagmamahal bang matatawag ang pagtatago para hindi makasakit? Pero hanggang kailan?
 
 
 


Get your own web address for just $1.99/1st yr. We'll help. Yahoo! Small Business.

Posted by Ann :: 12:13 AM :: 79 Comments:

Post / Read Comments

---------------oOo---------------