Apple of my Eyes
Thursday, October 19, 2006
Kwentong airport
May naka chat akong isang kaibigan kahapon at nagtatanong kung ano ba ang pwede at hindi pwedeng dalhin papasok ng Saudi dahil malapit na silang pumunta rito. Naalala ko tuloy ang unang pagpunta ko rito. Bago pa kami umalis ng pinas ay katakut-takot na briefing na ang inabot ko kay KD. Isa sa mga bilin nya ay huwag daw titingin ng deretso or eye to eye sa mga katutubo. Nasa airplane pa lang kami ay pinagsusuot ba naman ako ng abaya, ayoko nga! Pero pagbaba ay wala akong nagawa kundi suotin na yung baon naming abaya dahil ang daming pulis sa loob ng airport, syempre first time kaya takot din naman ako.
Pagdating namin sa dulo ng pila ay kinuha na yung passport ko at sabi ng katutubo, Look at me! ( Nakayuko pa rin ako dahil naalala ko yung bilin ni KD.) Sabi ulit, parang inis na., It's ok, I just want to see your face. Lapit si KD at tinanong kung ano ang problema. Nun pala gusto lang ma confirm kung ako nga yung nasa picture sa passport. Galit ko tuloy kay KD kasi napahiya ako dun sa taga immigration.
Minsan naman pauwi kami ng pinas, pag kasi pauwi at deretso ka naman ng airport pwede nang hindi magsuot ng abaya. Ilang uwi na rin ako na ganoon. Kaya lang nung isang byahe namin ay walang direct flight, kailangan pa naming mag domestic papuntang Riyadh. Siguro ay mga 30 minutes na lang at boarding na biglang may lumapit na pulis sa amin at hindi raw ako pwedeng sumakay ng plane kung ganoon ang suot ko. Eh di nag panic na ako kasi wala ng time para umuwi pa at kumuha ng abaya.
Nakiusap na si KD dun sa supervisor pero ayaw talagang pumayag dahil mahigpit daw sa Riyadh at sila ang masisisi kapag pinasakay nila ako na ganoon ang suot ko. Mula raw kasi sa pagbaba sa plane ay medyo malayo pa ang lalakarin papunta sa gate na pasukan naman ng flight papuntang pinas. Imagine ilang gabi na akong di nakakatulog dahil excited ako sa bakasyon namin tapos di pa matutuloy.
So, ikot si KD at hanap ng mahihiraman ng abaya. May nakita syang isang kababayan na may dalang jacket (kasabay naman namin sa flight) mabait naman at pinahiram nya. Kaso sabi ng pulis dapat daw takip pa rin ang mga binti ko. Ikot na naman si KD. Yung isang kabayan ay may dalang long pants (may tag pa nga) at pinahiram baka raw kasya. Wala akong choice ilang minutes na lang at lilipad na ang eroplano. Size 32 yung pants eh 26 lang ako nun (history na lang ngayon yung size ko..hehehe).
Mula nga sa binabaan namin ay ang layo pa ng nilakad namin, kulay black yung jacket na suot ko at black din yung pants na habang naglalakad ay bitbit ko sa bewang dahil nahuhubad. Mangiyak-ngiyak ako at di maipinta ang mukha ko habang si KD ay pangiti-ngiting nakatingin sa akin dahil nakakatawa raw ang hitsura ko. Pag-akyat sa plane ay nagbihis ako agad at isinoli yung mga hiniram naming damit.
Mula noon kahit alam kong pwede naman ang hindi naka abaya kapag direct flight ay sinisiguro ko na andun yung abaya ko sa hand carry na bag. Mabuti na yung sigurado.
Naghanap ako ng picture na suot ko yung damit na nagdulot sa akin ng kahihiyan sa airport noon. Hindi po yung mascot, yung katabi lang.
__________________________________________________
Do You Yahoo!?
Tired of spam? Yahoo! Mail has the best spam protection around
http://mail.yahoo.com
Posted by Ann ::
4:11 AM ::
38 Comments:
Post / Read Comments
---------------oOo---------------